Friday, 11th November 2005
Dancefloor
Nasan ka na
Nagsimula na ang kanta
Sa bawat linyang mabigkas
Lumalapit ang wakas
Itinutulak ang sarili paharap
Laban sa agos ng tao't panahon
Para lang makita ka
Kagandahang hawak ng iba
At matatapos ang awit
kasabay ng gabi
kasabay sa pagpatak
ng lungkot at pangungulila
Iabot mo ang iyong kamay
Kahit naiwan na sa panahon
Kahit nahugasan na ng luha
Kahit wala na ang tugtog
Upang tayo'y maging isa
Sa isang sayaw
Isang sandaling wala na
Ngayo'y naghihintay sa kama
Nakatungangang umaasa
Upang masagot ang mga bakit
na bumabagabag sa akin
Pinabayaang pagkakataon
Kung mahabol ko lang sana
Hindi na magpapatangay
Sa bilis ng buhay
At sa bukang liwayway
Maliligo sa liwanag
Malilimot ang gabi
at sa panaginip...
Iabot mo ang iyong kamay
Bayaan mong ika'y matangay
Lumipad sa ulap
Sa langit ng aking ligaya
tayo'y magiging isa
sa isang sayaw
isang sandaling atin
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment