Monday, 26th April 2010
Pablo
(Makita mo sana ang sarili mo sa mga talatang ito na alay ko dahilan ng iyong paglisan patungo sa lupain ng kristal na ulan at dahong ginto.)
Nalalagas na ang buhok sa ulo: binibilang bawat araw ng buhay mo - tulad ng boteng puno ng buhanging patuloy sa pagtulo.
Isang hibla para sa bawat bangon ng araw sa umaga; mahigit walong libo at kwarenta na pala - silang mga hiblang nilisan ka.
May angking alab ang mata na sa talas ng isip nagmula - ngunit kahit ang pinaka-bughaw na apoy: ningas at abo lamang sa kamay ng lampa.
Katulad ng bata - ika'y utak tighang-lupa: kailangan diligan ng sagot ang isang libong tanong sa ulo ukol sa ilang daang paksa.
Isa kang peste! Pinagagalaw mo ba ang tamad at antuking kabayo? Langaw ka bang maka-Soktratiko? O pinaiinit mo lang ang ulo ng tao?
At sinong magaakalang mapaglinlang pala ang 'yong mukha - na kayang maitago ang mga pangarap at panaginip ng isang bata?
Ngunit naimarka na ang 'yong mga pantasya ng pluma sa papel: bahagharing pakpak ng ilaw at liwanag (ala Tinkerbell?).
Karga pa ng hininga mo ang prinsipyo't katarungan: kaawaan ang mga nahihirapan; husgahan ang makasalanan; at kung iisa ang dalawa - ewan?
At tinatakpan ng kamay ang mga mata nang di makita ang nagbubunga ng sala. Papano napatol ang husga sa di nakita: si Hustisya ka ba?
Likido ka na walang anyo na hiwalay sa kinalalagyan nito. Isang angking kakayahang makitungo kahit saan, kahit kanino. Pero...
Tila talbog ng tunog ang sayo'y makipagtalastasan: kailangang pangunahan, at laging bulong ang balik - kahit sa sigaw na may kalakasan.
At nakatago sa labirinto ang nilalaman ng iyong puso. Saktong tanong at saktong pagkakataon ang mga natatanging taling maglalabas ng damdamin mo.
Para ring pader ang pagitan ng larawan natin ng mundo; at nasa lakas at bukas ng isip ang makakita ka gamit mata ko, at ako naman sa iyo.
Ating mga pagkakaiba: matingkad at litaw. Isang relasyong nakatayo sa pagaalay ng abot-tanaw: pagkakaisang walang pagsasapaw.
Kinikilala kang kaibigang mabuti datapwat totoo ang lahat ng nasabi. Balintuna ng buhay, papaano nga ba nangyari?
Marahil naakit ako - tulad ng iba - sa liwanag ng pagkatao mo (hindi ng 'yong ulo). Hindi lang kaya pangarap ang maladiwatang pakpak mo?
Lalo na't nakikita ko ang iyong matayog na paglipad. Kahit ang ibon ay lampa lumipad nung sisiw pa lang 'sya; sa pagtanda kung san san na napadpad.
Alam mo bang sa bawat kutya at lait, may naiiwan sa bunganga na di kapansinpansing duda at pait? Nang minsang pagmunihan nauwi sa tanong: inggit?
Kung meron kang mga masarap isarili na karanasan; pepwes meron akong mga katanungang di kailangan sagutan!
Pwede rin namang nadala lang ako ng pagtula at ng ligaya ng pagsalat ng letra. Parang batang nagkulay sa labas ng linya, ako kaya'y sumablay at sumobra?
Sa huli, meron tayong pagsasamang yin-yang ang aking palagay: ang kaunting kaibahan sa anyo ay nawawala sa pagtugma ng mga tingkad nating taglay.
No comments:
Post a Comment